Si Mary Jane Ramos ay dumating sa NAIA sakay ng Emirates Airlines flight EK-084. Personal siyang sinalubong ni First Gentleman Mike Arroyo na siyang nanguna sa "Save Mary Jane Ramos" fund-raising campaign, OWWA Administrator Wilhelm Soriano, pamilya nito at mga kamag-anak.
Si Mary Jane ay nakulong sa Dubai matapos na di sinasadyang mapatay nito ang kanyang Arabong amo na si Mohammad al Shamsi sa pagtatanggol nito sa kanyang sarili sa tangkang panggagahasa may dalawang araw pa lamang siyang nag-uumpisang mamasukan.
Ayon kay Atty. Antonio Curaming, hepe ng CAD ng Department of Foreign Affairs, ang blood money na ibinayad sa pagpalaya kay Ramos ay nagmula sa contingency fund ng tanggapan ng Pangulo, perang nalikom mula sa fund raising campaign ng First Gentleman at donasyon ng Filipino community sa United Arab Emirates (UAE).
Si Mary Jane ay pinatawan ng parusang kamatayan ng Dubai Appelate Court bagamat pinatawad ng Dubai lower court sa kaso nitong murder matapos umapela ang Pilipinang asawa ni al Shamsi na pagbayarin na lamang ito ng blood money. (Ulat nina Rose Tamayo at Butch Quejada)