Ayon kay Monfort, hindi sapat ang 20% discount na ibinibigay sa mga senior citizens dahil marami sa mga ito ang laging nagkakasakit dulot ng katandaan.
Sa ilalim ng R.A. 7432, ang mga mamamayan na umabot na sa edad na 60 ay ibinibilang sa senior citizens at bibigyan ng ibat ibang pribilehiyo.
Subalit hindi kabilang sa mga benefits na ibinibigay sa mga senior citizens ang libreng hospitalization o confinement sa ospital ng gobyerno.
Sinabi ni Monfort na sa sandaling sumapit na sa edad na 60 ang isang tao ay nagsisimula na nitong maranasan ang ibat ibang uri ng sakit tulad ng hypertension, rheumatism, sakit sa puso, diabetes at iba pang uri ng karamdaman.
Sa panukala ni Monfort, bibigyan ng libreng medical at dental services at libreng hospitalization at confinement sa government hospitals ang lahat ng senior citizens na magkakasakit.
Ang Department of Health (DOH), Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ang gagawa ng guidelines ukol sa nasabing panukala sa sandaling itoy maging isang ganap na batas. (Ulat ni Malou Rongalerios)