Majority bloc nag-walkout

Nawalan ng quorum ang isinagawang sesyon ng senado kahapon ng umaga matapos "mag-walkout" at hindi dumalo ang mga miyembro ng majority bloc dahil sa pagkakaroon ng deadlock sa usapan nito sa oposisyon ukol sa isyu ng chairmanship.

Naiwan lamang sa sesyon ng Mataas na Kapulungan sina Senate President Franklin Drilon at Majority leader Loren Legarda at ang mga miyembro ng oposisyon maliban kina Senators Aquilino Pimentel Jr. at Rodolfo Biazon na pawang nasa official mission sa abroad.

Ayon kay Sen. Serge Osmeña, ang pagkawala ng quorum dahil sa pag-alis ng mga miyembro ng mayorya at hindi pagbalik sa session hall matapos ang ginawang roll call ay patunay lamang na hindi galing sa minority bloc ang pagkabalam ng trabaho dito.

Nanawagan naman si Sen. Legarda sa kanyang mga kasamahan sa senado na itigil na ang pamumulitika bagkus ay magkaisa na upang masimulan ang tambak na trabaho nila sa Mataas na Kapulungan.

Nakiusap din ang majority leader sa miyembro ng oposisyon na itigil na nito ang pagsasagawa ng "filibuster" tulad ng ginawa ni Sen. Osmeña sa nakalipas na 2-araw para lamang mabalam ang nominasyon sa chairmanship ng mga komite.

Nag-alisan ang mga miyembro ng majority bloc matapos ang isinagawang caucus ng mga ito kung saan ay kasama ang kinatawan ng oposisyon na si Sen. Tito Sotto nang magkaroon sila ng "deadlock" sa pag-uusap ukol sa isyu ng chairmanship.

Nais igiit ng majority bloc na makuha ni Senate President Pro-Tempore Manny Villar ang pamumuno sa dalawang major committee na Agriculture at Banking pero mahigpit itong tinutulan ng oposisyon hanggang sa wala silang mapagkasunduan kaya hindi na bumalik ng sesyon ang kasapi ng mayorya sa session hall na naging dahilan upang mawalan ng quorum kaya napilitan si Sen. Drilon na i-adjourn ang sesyon. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments