Si Rafael Albano, 20, binata, first year sa FEU at residente ng 22B Bakawan st. corner Miller st., Proj. 7, Veterans Village, Quezon City ay idineklarang dead on arrival sa J.P. Rizal District hospital sanhi ng tinamong mga pasa dulot ng matinding palo na makikita sa pamumuo ng dugo sa kanyang mga hita, braso, dibdib at iba pang bahagi ng katawan.
Inaresto naman ang umanoy senior adviser ng fraternity na nakilalang si Dr. Victorino Manhilan.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Manhilan sa takot na masangkot sa pagkamatay ng biktima.
Pansamantala itong pinigil ng pulisya at isinailalim sa tactical interrogation, pero pinakawalan din dahil sa kakulangan ng material evidence.
Ayon kay P/Insp. Conrado Masongsong, Calamba city police investigator, si Manhilan ang nagsugod kay Albano sa naturang ospital bandang alas-6 ng gabi noong nakaraang Sabado pero patay na ito ng idating.
Nagduda ang mga doktor na tinangka ng mga initiators na bigyan muna ng first aid ang biktima bago ito dalhin sa ospital.
Nabatid naman sa pinalalim na pagsisiyasat ng mga awtoridad na isa o mahigit pang tao ang sangkot sa pagkamatay ni Albano.
Inaalam na ng pulisya kung sinu-sino ang mga kasama ng biktima ng maganap ang krimen.
Napag-alaman sa report ng pulisya na Biyernes ng gabi ng magpaalam si Albano sa kanyang tiyahin na may excursion ang kanilang klase sa isang resort sa Pansol, ngunit ang ipinagtataka ng mga kaanak ay kung bakit ito nagpakalbo.
Dakong alas-5 ng hapon noong Sabado ng dumating ang mga kasapi ng naturang fraternity kabilang ang biktima sa Pansol at umupa ng isang resort.
Sa kalagitnaan ng hazing ay nakadama umano ng hirap sa paghinga ang biktima at isinugod sa nabanggit na ospital dakong alas-6:45 ng gabi noong Sabado.
Nabatid na isang doktor ang ina ng biktima na kasalukuyang nasa Saudi Arabia. (Ulat ni Ed Amoroso)