Sinabi ng Presidente na pinatawad na niya ang kanyang kaibigang si Rodrigo sa pagkakabanggit nitong kaya siya nagbitiw bilang correspondence secretary ay dahil sa anomalya sa telecom franchise na umanoy nagdadawit kay Mr. Arroyo.
Nagpasalamat din ang Pangulo kay Malou Nuñez sa ginawa niyang paglilinaw sa isyu subalit kailangan pa ring ituloy ang pagsisiyasat sa kontrobersya sa Ombudsman.
Si Nuñez ang siyang itinuro ni Rodrigo na umanoy nagsabi sa kanya na mayroong payola sa telecom franchise na umanoy kinasasangkutan ng First Gentleman.
Inamin ni Nuñez na kung mayroon man siyang nabanggit na impormasyon hinggil sa lobby at payola sa kanyang kaibigang si Bing ay base lang ito sa mga natatanggap niyang text messages.
Naghayag din ng pagkadismaya si Nuñez kay Bing dahil hindi naman umano tama na magtuturo ito ng kahit na sino sa pumutok na kontrobersiya.
Samantala, walang balak ang Senado na imbestigahan ang Presidential Husband dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya na nagsasangkot dito sa naturang telecom anomaly.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, tutol siyang maging venue para sa witch hunting ang Senate Blue Ribbon committee. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rudy Andal)