Ayon kay NSO Administrator Tomas Africa, isang beses lamang maaaring palitan ang pangalan ng bawat indibidwal at hindi nila babaguhin ang birthdate ng isang tao para hindi ito samantalahin ng sinumang criminal element.
Maaaring mabenepisyuhan ng batas na ito ang sinuman na may mabantot na pangalan para gawing makabago at magandang pakinggan at yung mga pangalan na may maling clerical record at typographical error.
Pero nilinaw ni Africa na hindi qualified sa batas na ito ang mga bakla at tomboy na gustong magpalit ng kanilang pangalan bilang isang babae o lalaki. Ang kasarian ng isang tao ay hindi anya sakop ng batas na ito.
Gayunman, ang pagpapalit ng pangalan ay gawain lamang ng lahat ng city at municipal registrar sa bansa at ang NSO lamang ang pinal na magdedesisyon kung maaaring palitan ang pangalan ng isang tao.
Sasalain din umanong mabuti ng NSO ang pag-apruba sa mga magpapalit ng pangalan.
Una rito, sinabi ni Africa na magandang hakbang ang bagay na ito dahil hindi gagastos ng malaking halaga. Sampung araw lamang ang proseso, subalit hahaba lamang ang araw dahil kailangan i-publish sa loob ng 2 beses ang change of name applications.
Korte na lamang umano ang pupuntahan ng sinuman na nais ipabago ang pangalan nito sa ikalawang pagkakataon.
Aabutin ng P1,000 ang bayad sa pagbabago sa clerical record at typographical error samantala P3,000 para sa change of name at libre naman ang gastusin para sa mga mahihirap subalit kailangan na may social worker document na nagpapatunay dito. (Ulat ni Angie dela Cruz)