Sa isang press conference sa Malakanyang, sinabi ng Pangulo na ngayon na ang panahon ng sakripisyo at ang dapat manguna ay yaong may kakayahan.
Nauna rito ay inihayag ng Pangulo na ipinauubaya na niya sa Regional Wage Board ang pagpapasya sa isyu ng umento sa sahod na hinihingi ng mga pribadong manggagawa.
Sinabi ng mga may-ari ng kompanya na kung pipilitin silang magbigay ng umentong P125 ay maraming pabrika ang magsasara dahil apektado rin sila ng paghina ng ekonomiya.
Bilang tulong na rin sa mga nahihirapang mamamayan, inihayag ng Pangulo na ang National Food Authority (NFA) ay magpapalabas pa ng dagdag na 1,000 rolling stores na magbebenta ng bigas sa halagang P14 isang kilo mula sa dating P18/kilo.
Kasabay nito ay tiniyak rin ng Pangulo na habang siya ang Pangulo ng bansa ay hindi kailanman puwedeng itaas ang pasahe sa Light Railway Transit (LRT).
Ang pangakong ito ay ginawa ng Pangulo sa harap ng mga maralitang taga-lungsod na dumalo sa 2nd Metro Manila Urban Poor Assembly na ginanap sa Araneta Coliseum.
Inatasan na niya si LRT Administrator Teodoro Cruz Jr. na huwag gagawa ng anumang pagtaas sa LRT fare na kasalukuyang sumisingil ng P12. (Ulat ni Lilia Tolentino)