Sa pahayag ni AFP spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, bandang ala-una ng madaling araw ng pasukin ng may 60 hanggang 100 bilang ng armadong Sayyaf ang St. Peters Complex na kinaroroonan ng St. Peter Parish Church at Jose Torres Memorial Hospital na nasa bayan ng Lamitan.
Naunang plano ng mga bandido na kumuha ng mga doktor, nurses at mga gamot para dalhin sa kanilang mga sugatang kasamahan, pero nauwi sa pangho-hostage sa mga taong nasa loob ng Saint Peters complex ang naunang pakay ng mga bandido ng matunugan ng mga ito ang papalapit na apat na truckloads ng rumespondeng militar.
Napag-alaman na napilitang tumakbo patungong Lamitan ang grupo ng Abu Sayyaf matapos makipagsagupa kamakalawa sa Bgy. Sinangcapan, Tuburan, Basilan. Dito sila naabutan ng militar hanggang sa magpang-abot na nagresulta sa pagkakaligtas sa apat na Palawan hostages.
Kabilang sa nahostage sa ospital ay si Dr. Daniel Cole, habang sa St. Peter church sina Fr. Louie Nacorda, Parish Priest ng St. Peter Catholic Church; Fr. Rene Enriquez, assistant parish priest ng naturang simbahan at mga madreng Dominican na kinilalang sina Sr. Sonia, Sr. Sofia at Sr. Leonarda. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)