Uunahin muna ng mga imbestigador ng ATO at PAF na mabatid ang probable cause sa nangyaring aksidente bago pagtutuunan ng pansin ang pagkasangkot umano ng ilang indibidwal sa nasabing probinsiya kung may bahid pulitika ang pangyayari.
Ayon sa pamunuan ng ATO, isang special team ang ipinadala sa El Nido, Palawan para kumuha ng sample ng aviation fuel na ibinebenta sa nasabing lugar para pag-aralan kung ito nga ay adulterated.
Sinabi ni ATO Chief Adelberto Yap na ang Bell -407 ay nagpalagay ng gas sa El Nido bago ito lumipad. Dahil ang El Nido ay gassing up point at may mga ulat na dilluted umano ang ibinebentang aviation fuel doon.
Bukod sa mga narekober na importanteng bahagi ng bumagsak na chopper, may ilang saksi ang nagpahayag na nakita ng mga ito na umiikot-ikot ang Bell-407 na parang naghahanap ng landing area.
Lumalabas na alam ng piloto na may problema ang makina kaya nais nitong mag-emergency landing subalit huli na ang lahat dahil tumigil na sa pag-ikot ang elisi at tuluyan na itong bumagsak at sumabog na ikinamatay ng anim na katao kabilang ang ina ni Palawan Gob. Joel Reyes na si Lualhati Reyes.
Samantala, sinabi naman ni PAF Spokesman Col. Horacio Lapinid na ang pagbagsak naman ng Sikorsky-76 helicopter na inatasang magsagawa ng rescue sa anim na bangkay ng Bell-407 ay dahil umano sa overloading o pilot error kaya ito ay sumalpok sa isang puno na ikinasawi naman ng pitong katao. (Ulat ni Joy Cantos)