Extradition kina Ang, Ricaforte hingi sa US

Nakipag-ugnayan na kahapon ang Department of Justice (DOJ) sa United States-DOJ para maibalik sa bansa at managot sina dating Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) consultant Charlie "Atong" Ang at Yolanda Ricaforte na kapwa may outstanding warrant kaugnay ng plunder case na isinampa sa mga ito ng Ombudsman.

Sa bisa ng Extradition Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, hiniling ni Justice Sec. Hernando Perez kay John Harris, acting director ng Office of International Affairs, ang provisional arrest kina Ang at Ricaforte.

Nabatid na si Ang ay huli umanong nakita sa Los Angeles, California at Las Vegas, Nevada habang si Ricaforte ay nagtatago ngayon sa California kasama ang kanyang mga anak.

Batay sa apat na pahinang magkahiwalay na request ng DOJ, iginiit nito na dapat aksyunan sa lalong madaling panahon ng Estados Unidos ang extradition laban sa dalawang nabanggit dahil posibleng makalabas ang mga ito ng US at lumipat ng ibang bansa para takasan ang kasong kinakaharap sa Pilipinas.

Ang dalawa ay sangkot sa kasong plunder kung saan si Ricaforte ang sinasabing auditor ni dating pangulong Estrada sa nakukuhang jueteng payola, samantala si Ang na malapit na kaibigan ni Estrada ang middleman naman sa pagkuha ng kickbacks sa tobacco excise tax. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments