Sumuko na kayo!

Pinayuhan ni Pangulong Arroyo sina Sen. Gregorio Honasan at dating PNP chief Panfilo Lacson na sumuko na at harapin ang kanilang kaso at tinitiyak niyang bibigyan sila ng makatarungang paglilitis.

Ayon sa Pangulo, hindi niya maituturing na banta sa seguridad ng bansa ang dalawa kahit hindi pa naaaresto ang mga ito. Kung patuloy pa ring nakakalaya ang dalawa hindi nangangahulugan na marami pa silang tagasuporta sa AFP at PNP. "Hindi na malakas. Wala silang nakuhang General maliban kay Gen. Jake Malajacan na AWOL na ngayon. Iyon lang ang connection nila," wika ng Pangulo.

Pinawi rin ng Pangulo ang pangamba na dumanas ng kudeta ang kanyang administrasyon kahit hindi pa naaaresto sina gringo at Ping.

"Hindi na magkakaroon ng kudeta. Ang insidente noong nakaraang Mayo 1 ay hindi kudeta kundi isang tangkang pang-aagaw ng kapangyarihan ng ilang pulitiko na nanulsol sa mga tao at pinabayaan nila sa dakong huli," pahayag pa ng Pangulo. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments