Ginawa ng NBI ang hakbang dahil sa kahilingan ni Justice Secretary Hernando Perez kaugnay ng pagkakadawit ng limang dating tauhan ng PAOCTF sa naturang kaso.
Sinabi ni Perez na inutos niya kay NBI Director Reynaldo Wycoco na padalhan na ng imbitasyon si Lacson para makapagpalipawag ito sa lalong madaling-panahon kung bakit itinurong may kagagawan ng krimen ang mga tauhan ng PAOCTF.
Kabilang sa sangkot na tauhan ng PAOCTF na hawak na ng PNP at NBI sina Sr. Supt. Teofilo Vina, Insp. Bobby Lancaoan, SPO4 Mariano Soberano, SPO3 Jose Escalante at SPO1 Mauro Torres. Idinawit din sa krimen ang mga sibilyang ahente ng task force na sina Crisostomo Purificacion, Renato Malabanan, Jovencio Malabanan, at Rommel Rollan.
Sa isang pagdinig ng Senado sa naturang kaso kahapon, sinabi ni Lacson na mayroon silang ginawang imbestigasyon noon sa kaso ni Dacer pero ipinatigil umano ito ng noo’y National Security Adviser na si Alexander Aguirre.
Sinabi naman ni Wycoco na hindi pa nila pinapawalang-sala si Lacson dahil ang pangalan nito ay idinadawit ng mga suspek o testigo.
Naghinala rin si Senador John Osmeña na na maaaring "itinamin" lang ang ngipin na sinasabing pag-aari ni Dacer at nakuha sa isang liblib na lugar ng Indang, Cavite na pinagsunugan sa bangkay ng mga biktima. Sinabi ni Osmeña na malaki ang posibilidad na kahawig lang ng pustiso nina Dacer at Corbito ang mga ngipin na nakuha ng forensic expert na si Dr. Racquel Fortun. Iginiit naman ni Fortun na pag-aari ng mga biktima ang nakuha nilang ngipin. Iba anya ito sa mga ebidensyang nakuha ng pulisya. (Ulat ni Ellen Fernando at Doris Franche)