Isda mula sa Manila Bay delikadong kainin

Nanawagan kahapon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na lutuing mabuti ang lahat ng mga lamang-dagat na nagmumula sa Manila Bay at huwag kakainin nang hilaw ang mga ito.

Ginawa ni BFAR Spokeperson Josie Genesera ang panawagan kasunod ng pagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources sa pagligo sa Manila Bay.

Idiniin ni Genesera na, dahil sa dumi ng tubig ng Manila Bay, lahat ng mahuhuli rito na mga isda, pusit, hipon, tahong, talaba at iba pang laman-dagat ay dapat lutuing mabuti bago kainin.

Hindi anya mabuting gawing kilawin ang mga ito o kainin nang hindi nalulutong mabuti.

Dapat din anyang tanggalin ang hasang ng mga isda at linisin itong mabuti para hindi makaapekto sa kalusugan ng tao.

Maaaring magtae, manakit ang tiyan at dumanas ng iba pang karamdaman ang isang tao na kakain ng mga lamang-dagat mula sa Manila Bay na hindi nalutong mabuti. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments