Ipinaliwanag ni Justice Secretary Hernando Perez na alam niyang napakalakas ng ebidensya laban kay Estrada kaya nga papayuhan niya itong tumakas na lang kung siya ang abogado nito.
Ginawa ni Perez ang pahayag kasunod ng opisyal na pagpapalabas kahapon ng desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang kasalukuyan at lehitimong presidente ng bansa at maituturing nang nagbitiw si Estrada sa tungkulin.
Kasabay nito, inatasan ni Perez ang Bureau of Immigration at ang National Bureau of Investigation na bantayang mabuti ang lahat ng paliparan sa bansa dahil baka tumakas at magtago sa ibang bansa si Estrada.
Mahigpit na ring binabantayan ng Philippine National Police ang mga kilos at galaw ni Estrada para hindi ito makatakas at makapagtago sa ibang bansa.
Kinumpirma kahapon ni PNP Spokesman Supt. Rodrigo Degracia na pinakilos na ni Acting PNP Chief Director General Leandro Mendoza ang kanilang intelligence unit para manmanan ang dating pangulo.
Tututukan ng PNP ang lahat ng exit point sa bansa lalo na ang mga iligal na lagusan at ang tinaguriang southern backdoor sa Mindanao.
Nagbabala ang kalihim na kukumpiskahin ng pamahalaan ang eroplanong magpapagamit sa pagtakas ng napatalsik na Pangulo.
Idineklara rin ng Supreme Court na walang immunity o maaaring idemanda si Estrada.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Overall Deputy Ombudsman Margarito Gervacio na maaaring maisampa na nila sa Sandigambayan sa loob ng linggong ito ang mga kasong plunder, graft, perjury, malversation at ill-gotten wealth laban kay Estrada.
Sinabi pa ni Gervacio na maaari lang maantala ang pagpapalabas ng Ombudsman ng resolution sa naturang mga kaso kapag nagsampa si Estrada ng motion for reconsideration sa Supreme Court bagaman tiniyak niyang aabutin lang ito ng dalawang linggo. Ayon naman kay Perez, teknikalidad na lang ang 15 araw na ipinagkakaloob sa dating Pangulo para umapela.
Sinabi ng Mataas na Hukuman sa 68 pahinang desisyon nito na, kahit hindi gumawa si Estrada ng resignation letter bago siya umalis sa Malacañang noong Enero 20, ang intensyon at kilos niya ay malinaw na nakita sa ibat ibang pagkakataon at pagpapahayag na inabandona na niya ang kanyang posisyon bilang punong ehekutibo ng bansa.
Takda ring magdagdag ng seguridad ang mga awtoridad sa Quezon City Jail sakaling arestuhin na at ikulong dito si Estrada.
Tiniyak ni QC Jail Warden Supt. James Labordo na hindi nila bibigyan ng espesyal na trato si Estrada kapag nakulong ito.
Gayunman, sinabi ni Labordo na masyado nang masikip ang naturang city jail kaya baka hilingin nila sa Bureau of Jail Management and Penology na ikulong na lang si Estrada sa Metro Manila Rehabilitation Center sa Taguig. (Ulat nina Lilia Tolentino, Grace Amargo, Joy Cantos at Rudy Andal)