Immunity kay Chavit pinaboran ni GMA

Nilinaw kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tama lang na bigyan ng immunity at paligtasin sa anumang asunto o kaso si Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson dahil malaki ang ginampanan nitong papel sa pagpapabagsak kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Sinabi ng Pangulo na lubhang napakahalaga ng mga testimonya ni Singson na nagdiin kay Estrada sa iligal na operasyon ng sugal na jueteng.

Si Singson na dating kaibigan at kainuman ni Estrada ang nagsilbing ugat para ito ma-impeached at mapatalsik ng pangalawang people power revolution sa puwesto.

Idinepensa ng Pangulo si Singson dahil ilang sektor ang nananawagan na papanagutin sa batas ang gobernador kahit naging pangunahing testigo ito sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay Estrada.

Binibira ng ilang sektor si Singson dahil sa pag-amin nito na naging kolektor ito ni Estrada sa jueteng at dawit ito sa anomalya sa pondong nagmula sa buwis sa tabako. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments