Sinabi ng isa sa mga prosecutor na si Makati Rep. Joker Arroyo na baka bawiin nila ang kanilang pagbibitiw kung maipapangako ng mga abogado ni Estrada na pahaharapin nila sa paglilitis ang kanilang kliyente.
Sinabi ni Arroyo na matagal na niyang pangarap na ma-cross examine si Estrada.
Sinabi naman ni Sigrid Fortun, isa sa mga abogado ni Pangulong Estrada sa isang panayam sa telebisyon na hindi nila maaaring pagbigyan ang kapritso ng prosecution. Kaugnay nito, nagkaroon naman ng deadlock sa isinasagawang pag-uusap ng liderato ng House of Representatives sa pangunguna ni House Speaker Arnulfo Fuentebella at ng mga miyembro ng panel.
Naging matatag ang mga miyembro ng prosecution na huwag bawiin ang kanilang irrevocable resignation.
Iginiit naman ni Fuentebella na hindi sila magtatalaga ng mga bagong prosecutor. Dapat anyang magpatuloy sa kanilang tungkulin ang grupo ni Arroyo. (Ulat ni Malou Rongalerios)