Ito ang matapang na prediksyon kahapon ni Quezon City Congressman Michael Defensor batay umano sa "pagkakabugbog" sa Pangulo sa paglilitis ng Senado sa kaso nitong impeachment at sa opinyong publiko.
Sinabi ni Defensor na ang araw-araw na "bomba" at "bugbog" na tinatamasa ni Estrada mula sa prosecution panel ang siyang sisira sa kredibilidad nito.
"Sira na ang lahat ng kanyang alibi. Maging kredibilidad. Ang abilidad niya para mamuno ay pinasabog sa maliliit na piraso, kahit maging mga abogado niya ay inaatake na rin," sabi pa ni Defensor.
Batay anya sa survey, inulila na ng masa si Estrada sa kabila ng mga inupahang tao at tagapagsalita para ipagtanggol siya. Marami anyang Pilipino ang naniniwalang "guilty" ang Pangulo sa kasong impeachment batay sa survey ng Pulse Asia.
Samantala, sinabi kahapon ni Senador Gregorio Honasan na malabong maulit ang EDSA revolution na nagpabagsak sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986.
Sinabi ni Honasan na, sa abot ng kanyang kaalaman, walang demoralisasyon sa pulisya at militar para magpasimula ng rebolusyon laban sa kasalukuyang administrasyon.
Pero nagbabala si Honasan na maaaring may manghimasok na militar kapag nagkaroon ng inhustisya sa paglilitis sa kaso ng Pangulo. (Ulat nina Malou Rongalerios at Joy Cantos)