Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Juancho Mendiola, 36, residente ng 196 Maude St., San Juan, Metro Manila. May dala umano siyang black bag na naglalaman ng naturang pera habang papasakay sa eroplanong flight PR-302 ng Philippine Airlines patungong Hong Kong bandang alas-7:00 ng umaga.
Nabatid na lulan din ng naturang eroplano ang dating aktres at kalaguyo ni Estrada na si Laarni Enriquez. Dapat sana itong umalis ng alas-6:45 ng umaga pero naantala at nakalipad lang bandang alas-8:00 ng umaga dahil sa kaguluhan sa pagkakadakip kay Mendiola.
Pinabulaanan ni Mendiola sa mga awtoridad na tauhan siya ni Enriquez pero binanggit niya na sa paliparan sa Hong Kong, susunduin siya ng isang lalaki na magbabayad sa kanya ng P5,000 kapalit ng pagdadala niya sa P6 na milyong salapi.
Nahaharap naman sa contempt si Enriquez dahil umalis siya ng bansa bagaman may subpoena sa kanya para sa pagharap niya sa paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban sa Pangulo.
Nabatid din na hiniling ng prosecutors na magpalabas ang korte ng hold-departure order laban kay Enriquez.
Samantala, isang kaibigan ni Enriquez na si Ofelia Que ang nagsabi sa dzMM na nasasaktan at umiiyak ang dating aktres dahil sa bintang na nakatago sa bank account nito ang umanoy ill-gotten wealth ni Estrada. (Ulat nina Butch Quejada, Doris Franche)