Amigo ng Pangulo tetestigo na rin

Isang testigo na mas "malaki" pa kaysa kay Clarissa Ocampo ang ihaharap ng prosecution panel sa unang linggo ng Enero sa pagbubukas ng sesyon ng Senado na lumilitis sa kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada.

Ito ang nabatid kahapon sa oposisyong mambabatas na si Rep. Michael Defensor (Lakas, Quezon City) na nagsabing isang lalaki at dating malapit kay Estrada ang bagong testigo na hindi niya binanggit ang pangalan.

Pero sinabi ni Defensor na isang kaibigan ng Pangulo na ginamit bilang dummy o abogado na tumulong sa pagbubukas ng mga huwad na account ni Estrada sa banko ang susunod na testigo.

Matatandaang si Ocampo na senior vice president ng Equitable-PCI Bank ang nagsabi sa impeachment court noong Biyernes na iisang tao lang sina Estrada at ang Jose Velarde na nakalagda sa isang account nito sa naturang banko.

Tetestigo umano ang lalaki sa mga mansion ng Pangulo at sa mga perang nakuha nito sa jueteng. Ang testigo umano ang nagpasabi sa prosecution panel na nais niyang humarap sa impeachment court.

Sinabi pa ni Defensor na maraming huwad o fictitious account si Estrada sa mga banko at kabilang na rito ang tinatawag na account 858 sa nagsarang Urban Bank.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Chief Prosecutor Feliciano Belmonte na, dahil sa ibinunyag ni Ocampo, kailangan na ni Estrada na humarap nang personal sa impeachment court.

Sinabi ni Belmonte na hindi biro ang testimonya ni Ocampo dahil isa ito sa nakakita nang lumagda si Estrada bilang Jose Velarde sa isang signature card ng account nito sa Equitable-PCI Bank. (Ulat nina Marilou Rongalerios at Doris Franche)

Show comments