Tigasin ang dating ni Erap. Bagay na naging daan sa pagpasok niya bilang extra sa pelikula. Una siyang nasabak sa role bilang sanggano. Kung pakaiisipin, aksidente rin lamang ang pagkakapasok niya ng ekstra sapagkat susunduin lamang niya ang kanyang girlfriend (ang anak ng direktor na si Bebong Osorio) sa set nang mangailangan ng isang maton na makikipagsuntukan. Bagay na bagay sa kanya ang bit role na iyon sa istorya. Miyembro siya ng Black Sheep Gang. Isa siya sa mga kabataang miyembro na matigas ang ulo na sa dakong huli ng pelikula ay isinalang sa silya elektrika.
Nang umuwi umano si Erap ay masayang-masayang ikinuwento sa inang si Dona Mary Ejercito na gumanap siya bilang sangganong miyembro sa Black Sheep Gang. Maanghang umanong sinabi ng ina sa kanya: "Mabuti naman at hindi ka na aarte." Ibig sabihi’y sanay na si Erap sa gawaing iyon bilang matigas ang ulo at madali nang magagampanan ang role. Nagtawa lamang umano si Erap sa patutsada ng ina.
Ang pagkahaling sa mga bisyo nang pumasok sa pelikula ang maaari ring naging dahilan kung bakit nalimutan na ni Erap ang mga ehersisyong paborito niyang gawin noong kanyang kabataan. Mahusay sa basketball si Erap. Palibhasa’y may katangkaran din naman. Nang lumipat siya Mapua High School ay nahasa pa siyang lalo sa basketball. Naglaro siya rito sa mga intramurals. Maliksi siya ng kanyang kabataan.
Subalit ang palakasan ay tila nawalang unti-unti sa kanyang puso at pati ang disiplina sa katawan ay naglaho. Ang dating makisig niyang pangangatawan na tinilian noon ng mga fans ay hindi na katud ng dati. Sa isang report, sinasabing hindi na makontrol ni Estrada ang kanyang pagkain. Mayroon umanong opisina sa Malacañang na laging nakahanda ang mesa na puno ng mga pagkaing paborito ni Erap. Paborito niya ang litsong baboy, lobster, malalaking hipon at alimango.
Mahilig sa pagkain si Erap. Kapag nagpupunta sa mga probinsiya ay sumasalo siya sa pagkain ng mga dukha at nagkakamay siya sa pagsubo. Patunay lamang daw iyon na siya ay talagang makamasa. Iyon nga lamang, sa pagkagana niyang kumain ay bumibigat ang kanyang timbang. At kapag bumigat, ang kasunod na nito ay ang katamarang kumilos o gumawa. (Itutuloy)