Kahapon, nagpulong ang mga prosecutor para magplano ng istratehiya bago pagbotohan ng mga senador ang usapin kung dapat buksan o hindi ang naturang account.
Isa sa tumutulong sa prosecution panel na si dating Albay Rep. Edcel Lagman ang nagsabing hihilingin nito sa Senado o impeachment court na katigan ang desisyon ng presiding officer nitong si Chief Justice Hilario Davide na payagang buksan at silipin ang rekord ng bank account ni Valhalla.
Isa sa mga juror na si Senador John Osmena ang nagharap ng motion noong Biyernes na kumuwestyon sa ruling ni Davide. Inaasahang pagbobotohan ito ngayong araw na ito ng mga senador.
Nauna rito, pinilit ng korte ang Equitable Bank na isumite ang record ng account ni Valhalla na ang pirma ay katulad ng kay Estrada na gaya ng lumalabas sa salaping Pilipino.
Ipinakita kamakailan ng mga prosecutor sa korte ang isang tseke ni Valhalla na nagkakahalaga ng P142 milyon at ginamit sa pagbili ng isang mansion para sa isa sa mga kalaguyo ni Estrada sa pamamagitan ng isang dummy corporation na pag-aari ni dating housing adviser Jose Yulo.
Naniniwala ang mga prosecutor na iisang tao lang sina Estrada at Valhalla.
Sa isang pulong-balitaan sa Cypress restaurant, isa sa mga prosecutor na si Western Samar Congressman Eduardo Nachura ang nagsabing magsasagawa sila ng walkout o lalayasan nila ang korte bilang protesta kapag binaligtad ng mga senador ang ruling ni Davide.
Sinabi naman ni Lagman na nakahanda ang mga prosecutor na humingi ng reconsideration kapag binalewala ng mga juror ang naturang ebidensya pero umaasa siya na kakatigan ng mga ito si Davide.
Hinikayat din ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary-General Teodoro Casino ang mga prosecutor na mag-walkout sa paglilitis kapag nagpakita ng kawalang-galang sa proseso ng Konstitusyon ang mga senador.
Sinabi naman ni chief prosecutor at house minority leader Feliciano Belmonte na pinag-iisipan din nila ang panawagan ng mga militanteng anti-Estrada group. "Maingat namin itong pag-iisipan. Hindi namin basta-basta magagawa ito."
Hindi naman nababahala ang mga abogado ni Estrada sa bantang walkout ng prosecution panel kaugnay ng napipintong botohan ng mga senador kung dapat pagtibayin o ibasura ang desisyon ni Davide. (Ulat ni Ely Saludar)