Sinabi ng Pangulo sa isang panayam sa Palawan na muli na naman siyang na-"misquote" dahil sinabi raw niya na tumanggap siya ng tip o impormasyon hinggil sa jueteng payola.
"Yan, mali na naman. Ang sinabi ko, may tip lang sa akin. Hindi ko sinabi na inamin ko. May nagsabi sa akin na mayroon daw P5 milyon na ibinigay doon," sabi ng Pangulo.
Sinasabi sa ulat na inamin umano ng Pangulo na ang Amerikanong consultant na si Paul Bograd ay tumanggap ng P5 milyong halaga ng tseke mula kay Singson pero hindi alam ng dayuhan na galing sa jueteng ang pera.
Idineposito umano ni Bograd ang pera sa isang personal bank account at malamang na nagamit ito para pambayad sa opinion poll. Si Bograd din ang tumulong sa kampanya ni Estrada sa halalang pampanguluhan noong 1998.
Ang naturang tseke ang sinasabing ikalawang tseke mula kay Singson na ang una ay P200 milyon para sa Muslim Youth Foundation.
"Hindi ko alam kung totoo o hindi. Sinabi ko na meron lang nag-tip sa akin pero hindi ko sinasabing may alam ako," sabi pa ni Estrada.
Iminungkahi naman ni Batangas Congressman Ralph Recto na magpalabas ng hold-departure order laban kay Bograd ang impeachment court kung interesado ang defense at prosecution panel na makuha ang testimonya ng naturang dayuhan.
Sinabi rin kahapon ng isa sa mga prosecutor na si Leyte Rep. Sergio Apostol na imumungkahi niya sa prosecution panel na ipa-subpoena si Bograd dahil magpapalakas ang testimonya nito sa testimonya ni Singson.
Pero, ayon sa isa pang prosecutor na si Makati Rep. Joker Arroyo, hindi mahalaga ang testimonya ni Bograd dahil naging matatag at hindi nasira ang kredibilidad ni Singson.
Sinabi rin ni Rep. Oscar Moreno (Lakas, Misamis Oriental) na ang mahalaga ay binigyan ni Singson ng P5 milyong "pay to cash" check ang Pangulo at tinanggap ito ni Estrada.
Ipinalalagay naman ng mga senador na sina Franklin Drilon at Rene Cayetano na dapat nang personal na humarap ang Pangulo sa impeachment court kung nais nitong pabulaanan ang mga sinasabi ni Singson.
"Hindi tsismis ang mga sinabi ni Singson sa impeachment court. Sinabi ni Singson na personal niyang idineliber sa Pangulo ang koleksyon mula sa jueteng. At nasa pagpapasya na ng Pangulo kung gusto niyang pabulaanan ito sa korte," sabini Cayetano. (Ulat nina Lilia Tolentino, Malou Rongalerios at Rose Tamayo)