Sinabi ni Recto na may tiwala sa prosecution team ang 77 kongresistang umindorso sa impeachment complaint.
Ginawa ni Recto ang pahayag bilang tugon sa mungkahi ng Integrated Bar of the Philippines na palitan ang ilan sa miyembro ng prosecution panel dahil hindi umano bihasa ang mga ito na humawak ng naturang kaso.
Pormal na sinulatan kamakalawa ni IBP President Arthur Lim ang prosecution team para ialok ang libreng serbisyo ng ilan nilang magagaling na abogado.
Kabilang sa iminungkahi ng IBP sa House panel sina dating Solicitor General Frank Chavez, Atty. Mario Ongkiko, Rudy Jimenez, Rogelio Vinluan, Alexander Poblador, Eduardo delos Angeles at Saklolo Leano.
Pero sinabi ni Recto, isa sa mga endorser ng impeachment, na maganda naman ang ipinakita ng prosecution team sa nagdaang dalawang araw na paglilitis.
Maaari anyang mga opening jitters lang ang nararanasan ng ilang miyembro ng panel pero mas mahalaga rito ang mga naiharap na testigo.
Napakaaga anya para magkaroon ng kapalit.
"Nasa opening minutes pa tayo at hindi naman agad natin maisasabak ang buong team dahil wala nang papalit sa kanila kapag napagod sila," dagdag ni Recto.
Sinabi pa ni Recto na tiyak na makikita ang galing ng prosecution team kapag isinabak na sa paglilitis ang mga kongresistang sina Joker Arroyo, Bobby Tañada, Oscar Moreno, Oscar Rodriguez, at Raul Gonzales. (Ulat ni Malou Rongalerios)