Lumitaw ang posibilidad na ito sa paglantad kahapon ng Partido ng Masang Pilipino para ipagtanggol ang Pangulo at ang prosesong Konstitusyunal na inaasahang lulutas sa kasalukuyang krisis sa pulitika ng bansa.
Ipinangako ni PMP vice president for local government Ronaldo Puno na hindi papayag ang kanilang partido kapag ginawa ng oposisyon ang anumang hakbang na sisira sa kredibilidad ng mga senador at wawasak sa paniniwala ng taumbayan sa anumang magiging hatol ng impeachment court.
Sinabi ni Puno na panahon nang ihayag ng kanilang grupo ang pakikiisa nila sa Pangulo at "lalabanan namin ang kahit na anong aksyon na sisira sa kredibilidad ng mga senador at proseso ng impeachment.
Samantala, habang isinasagawa ang paglilitis sa Senado, magkakahiwalay na nagsagawa ng rally malapit sa kapulungan ang mga grupong kontra at laban sa Pangulo.
May 4,000 miyembro ng pro-Estrada group ang nagtayo ng entablado at nagtaas ng mga banner sa lugar na ginagamit ng El Shaddai. May mga nakasulat na "Erap Remain" at "not guilty" sa kanilang mga istrimer.
Mahigpit naman ang pagbabantay sa dalawang grupo.
May 15,000 namang demonstrador laban sa Pangulo ang nagmartsa patungo sa Senado makaraang idaos ang isang misa sa kalapit na Malate Church na dinaluhan nina Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin, dating Pangulong Corazon Aquino at Vice President Gloria Macapagal-Arroyo. Nagsindi sila ng sulu bilang simbolo ng katotohanan.
Sa kanyang talumpati, muling nanawagan si Sin kay Estrada na huwag matakot magbitiw sa puwesto. Mas makakabuti anya sa bansa, mamamayan at sa Unang Pamilya kung hindi na pahahabain ng Pangulo ang paglilitis.
Nabulabog din ang mga tao na nasa loob ng Senado nang magpang-abot ang mga anti at pro Estrada group sa labas ng gusali ng impeachment court nang hindi naagapan ng nakakalat na mahigit 3,000 pulis ang iringan ng magkabilang panig.
Hindi rin napigilan ng pulisya ang pagdagsa ng United Opposition na pinangungunahan nina Aquino, Arroyo, dating Defense Secretary Renato de Villa, Laguna Governor Jose Lina, Batangas Congressman Ralph Recto, at dating House Speaker Manuel Villar.
Nagbangayan ang dalawang grupo dahil nais ng mga pro-Estrada na paalisin sa harapan ng Senado ang grupo nina Aquino at Arroyo. (ULat nina Rose Tamayo, Grace Amargo, Ellen Fernando at Lordeth Bonilla)