Ito ang inihayag ng isang opisyal ng ABB na nagpakilala sa alyas na Ka Paeng na nagsabing magpapakalat sila ng mga tauhan sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig na lalawigan para maghanap ng impormasyon na magbibigay-linaw sa nangyari sa biktima.
Duda naman si Senador Raul Roco na may kinalaman sa pulitika ang pagkawala o pagkakadukot kay Dacer.
Sinabi ni Roco na mas naniniwala siyang may kinalaman ang kaso sa negosyo dahil marami umanong nakabangga sa negosyo si Dacer sa Manila International Container Terminal.
Tiniyak naman ng tagapagsalita ng Philippine National Police na si Sr. Supt. Nicanor Bartolome na tatanggalin nila sa puwesto ang sinumang pulis na sangkot sa pagdukot kay Dacer bagaman nanawagan siya sa ilang sektor na tigilan na ang pang-iintriga dahil wala itong maidudulot na mabuti sa ikalulutas ng kaso.
Kasalukuyan na ring binabantayang mabuti ng National Bureau of Investigation ang dalawang testigo na nakakita umano sa ilang lalaking naka-uniporme ng pulis na dumukot kay Dacer at sa driver nitong si Manuel Corvito sa Makati City noong nakaraang linggo. (Ulat nina Lordeth Bonilla, Doris Franche, Joy Cantos at Ellen Fernando)