Anti-Erap generals lalantad na raw

Ilang aktibo at retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines ang umano’y lalantad sa susunod na mga araw para ibunyag ang nagaganap na pagkakahati-hati at demoralisasyon sa liderato ng AFP.

Isang dating manedyer ng People’s Television 4 noong panahon ng pamahalaang Aquino na si Dodie Limcaoco ang nagsabi na marami pang isyung ibubulgar ang naturang mga heneral lalo na ang hinggil sa mariing pagtutol sa pamahalaang Estrada.

Nauna nang inamin ni Limcaoco na nautusan lang siya ng ilang opisyal ng militar na magpalathala ng anunsyo sa pahayagan na kumukuwestyon sa palakasan sa AFP lalo na sa mabilis na promotion nina Presidential Security Group Commander Brig. Gen. Rodolfo Diaz at Brig. Gen. Jake Malajacan na isang senior military assistant ni Defense Secretary Orlando Mercado. Idiniin naman ni AFP Chief of Staff Gen. Angelo Reyes na tapat pa rin sa Konstitusyon ang buong militar at malayong mangyari ang pinangangambahang kudeta. Sinabi rin ni Philippine National Police Chief Director General Panfilo Lacson na walang kakayahan ang mga dismayadong tauhan ng PNP na maglunsad ng armadong pag-aalsa.

Sa kaugnay na ulat, isang bagong grupo ng mga retiradong heneral ng pulisya at militar na tinatawag na REVEILLE ang nanawagan kina Reyes at Lacson na pakinggan ang tinig ng sambayanang Pilipino na nagnanais na magbitiw sa puwesto ang Pangulo.

Nanawagan ang REVEILLE sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si ret. Capt. Baldomiro Mercado kina Reyes at Lacson na huwag maliitin ang karaingan ng publiko. Ipinahiwatig naman ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na tiwala pa rin ang Malacañang na buo pa ang suporta ng mga sundalo at pulis kay Estrada kaya hindi na kailangan ang loyalty check sa AFP at PNP. Samantala, tinanggal ni Lacson sa puwesto ang director ng Police Community Relations Group na si C/Supt. Steve Cudal dahil sa pahayag nito sa panayam ng ABS-CBN na may demoralisasyon sa hanay ng mga opisyal at tauhan ng PNP. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)

Show comments