Ito ang ipinalalagay ni Catholic Bishops Teodoro Bacani Jr. kamakailan bagaman iginiit kahapon ni Defense Secretary Orlando Mercado na produkto lamang ng maruming imahinasyon ang paglutang ng usapin ng panghihimasok ng pamahalaang Amerkano para puwersahang tanggalin sa puwesto ang Pangulo.
Kasalukuyan ding tinututukan ng Philippine National Police ang ulat na may mga miyembro ng militanteng grupo na desidido umanong magbuwis ng buhay para lang palitawin na magulo na talaga ang sitwasyon sa bansa nang sa gayon ay tuluyan nang magipit at magbitiw sa tungkulin ang Pangulo.
Inatasan na ng PNP ang ilan nitong intelligence officer para beripikahin ang nasabing ulat na kumalat sa apat na sulok ng political arena nitong nagdaang linggo.
Sinasabi sa mga kumakalat na ulat na aatakihin umano ng ilang demonstrador ang Malacañang para mapilitan ang PSG na saktan ang mga protester na maghuhudyat ng matinding kaguluhan na kapag naman nangyari, ayon kay Bacani, ay baka mapilitan ang U.S. na makialam para patalsikin si Estrada sa puwesto.
Pinuna naman ni Mercado na may mga grupong pilit na gumagawa ng scenario para panghinaan ng loob si Estrada at mapilitan itong magbitiw sa tungkulin.
Kumpiyansa si Mercado na hindi matutulad si Estrada kay dating Pangulong Ferdinand Marcos na sinundo ng helicopter ng US Air Force mula sa Malacañang bago dinala sa Hawaii nang maganap ang EDSA people power revolution noong 1986.
Idiniin ni Mercado na isang panloob na usapin ang problema ng bansa kaya hindi dapat manghimasok ang Amerika.
Samantala, sinabi kahapon ni Batangas Congressman Ralph Recto na hindi natatakot at naniniwala ang United Opposition sa red scare tactic ng Malacañang at patuloy ang kanilang pakikipagdayalogo sa lahat ng sektor at grupo na kontra sa kasalukuyang administrasyon.
"Lalo lamang naglalapit ang oposisyon at ang militanteng grupo lalo na ngayong ang impeachment process ay nawawala sa linya ng katotohanan at hustisya," sabi ni Recto. (Ulat nina Joy Cantos at Marilou Rongalerios)