Nakasaad sa apat na pahinang dokumento ang umanoy plano ng mga kalaban ni Estrada sa pangunguna ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na iligpit si Singson para ibintang ang krimen sa Pangulo.
Iniulat din ng ABS-CBN News Channel kahapon ang pagkalat ng white paper pero pinabulaanan naman ito ng kampo ni Ramos.
Sinabi ng kampo ni Ramos na maaaring ang pagpapakalat ng white paper ay istratehiya ng mga tagasuporta ng administrasyon para siraan ang oposisyon.
Sinabi ng dating national security adviser noong panahon ni Ramos na si Jose Almonte na isang luma at mumurahing taktika ang pagpapakalat ng naturang white paper na hindi anya dapat paniwalaan ng mga tao.
May pamagat na "Hidden Truth about Philippine Politics" ang dokumento na nagsasaad ng talamak na katiwalian sa pamahalaan mula pa noong panahon ng mga administrasyon ng mga dating Pangulong sina Corazon Aquino at Fidel Ramos.
Nagmula umano ang dokumento sa isang sekretarya umano ng Pangulo sa Cebu na si Cheryl Jimenea pero pinabulaanan niya na nagmula sa Malacañang ang mga papeles.
Samantala, nabatid sa isang radio report na takda sanang arestuhin ng mga ahente ng Federal Internal Revenue Service ng U.S. si Yolanda Ricaforte kung tuluyan itong nakabalik sa naturang bansa.
Sinasabing wanted si Ricaforte sa U.S. dahil umano sa paglilihim niya ng kanyang tunay na asset and liabilities. (Ulat ni Myds Supnad)