Militar ikinasa sa anti-Erap rally

Nakahanda ang puwersa ng militar sakaling pasukin ng mga elementong mapanligalig gaya ng mga rebeldeng komunista ang mga rally laban kay Pangulong Joseph Estrada.

Ito ang ipinahiwatig kahapon ni National Security Adviser Alexander Aguirre na nagsabing mino-monitor ng militar ang puwersa ng maka-Kaliwa na nais pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada.

Sinabi ni Aguirre sa pagdalo niya sa pagdinig kahapon ng Senado sa pambansang badyet na nagsanib na umano ang mga political opposition at grupong komunista para pagbitiwin nang tuluyan sa puwesto ang Pangulo.

Sinabi pa niya na hindi titigil sa pagkilos ang mga rallyist para mapatalsik si Estrada kaya gumagawa sila ng mga hakbang para maiwasan ang mga ito.

Tinukoy ni Aguirre ang New People’s Army at iba pang rebeldeng grupo na sumasakay sa magulong sitwasyon ng bansa na sumasama na rin ngayon sa mga kilos-protesta sa lansangan laban sa Pangulo.

Gayunman, sinabi ni Aguirre na walang dapat ikabahala ang publiko dahil kaya pang hawakan ng gobyerno bagaman usapin ito ng seguridad ng bansa.

Sa kaugnay na ulat, ibinunyag kahapon ni House of Representatives committee on national defense chairman at North Cotabato Rep. Anthony Dequina na isang grupo ng mga negosyanteng nakabase sa Makati City ang bumuo ng campaign kitty para gamitin sa planong destabilisasyon laban sa administrasyong Estrada.

Sinabi pa ni Dequina na malapit umano ang naturang mga negosyante sa nagdaang administrasyon nina dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos.

Idinagdag ni Dequina na, batay sa kanyang mapagkakatiwalaang impormante, ang naturang grupo rin ang nasa likod ng pagbubunyag ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson sa jueteng payola na tinatanggap ng Pangulo.

Isa umanong patunay dito ang pagdalo sa mga media appearances at press briefing ni Singson ng mga political lieutenants ng dalawang nakalipas na rehimen. Kumuha rin umano ng public relations man ang grupo para gumawa ng planong panggugulo sa kasalukuyang pamahalaan.

Samantala, tinatawagan ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang lahat ng kasapi ng Iglesia Katoliko para magtipun-tipon at maging isang tinig sa gagawing malaking prayer rally sa unang linggo ng Nobyembre 4 sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Sin na kailangang magkaisa ang lahat para sa isang moral na pagbabago sa kasalukuyang pamahalaan. ( Ulat ni Andi Garcia)

Show comments