Ginawa ng Pangulo ang naturang kautusan matapos na ibunyag ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson ang umano’y pagtanggap niya ng payola mula sa jueteng kasunod rin nito ng pagpapahinto niya sa Bingo 2-ball nitong nakaraang linggo
Sa kanyang programang Jeep ni Erap: Ang Pasada ng Pangulo, sinabi ng Pangulo na napagpasyahan niya matapos madinig ang mensahe ng mamamayan na hindi nais ng sambayanang Pilipino na sumangkot ang gobyerno sa anumang uri ng sugal kahit na nga mabuti pa ang intensyon nito.
"I received the message clear -- ayaw ng tao na ang pamahalaan mismo ang magbangka sa sugal," anang Pangulo.
Bagaman kumikita aniya nang malaki ang pamahalaan sa kita ng PAGCOR, tatalikuran na ito at ibibigay na ang nasabing ahensya sa pribadong negosyo.
Kasabay nito, inamin ng Pangulo ang kanyang pagkabigo sa tangka niyang mapahinto ang jueteng sa pamamagitan ng planong legalisasyon ng Bingo 2-ball.
Ang layon aniya ng hakbang na sugpuin na ang jueteng ay mawala ang masamang impluwensya ng katiwaliang hatid nito at sa halip na ang makinabang ay ang mga tiwaling tao, ang kita nito ay mapunta sa pamahalaan.
Nagalit aniya ang mga nasaktan sa desisyong ito kaya kung anu-anong paratang ang ginagawa ngayon sa kanya.
Sinabi ni Alvarez na maaari namang magkaroon ng ‘peaceful settlement’ ang Pangulo at ang mga nagsusulong ng impeachment kung makikinig ito sa panawagan ng mga mamamayan.
Kung nagawa umanong makinig ng Pangulo sa pulso ng masa partikular sa pagpapatigil ng sugal ay maaari rin nitong pakinggan ang panawagan ng mga mamamayan na magbitiw na lamang sa kanyang tungkulin.
Binalaan din ni Alvarez si Estrada kaugnay sa pagbebenta ng PAGCOR na maaari umanong mapunta sa mga kaibigan at kaalyado ng Pangulo.
Partikular na tinukoy ni Alvarez ang mga naglabasang ulat kamakailan na interesado ang tinaguriang Masiao King at gambling czar na si Stanley Ho at kaibigan niyang si Dante Tan na bibilhin nito ang PAGCOR.
Ayon kay Roco, ang simbahan at mamamayan ay lantarang ipinapahayag ang kanilang sentimiyento sa pagkawala na ng moral ni Pangulong Estrada dahil na rin sa pagkakasangkot nito at pagsusulong ng sugal.
Dahil dito, kinakailangan din aniya na magbitiw si Arroyo dahil sa pangungunsinti nito sa administrasyong Estrada na siyang magpapabagsak din sa moral nito bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Estrada na hindi siya magdedeklara ng state of emergency sa Metro Manila o sa alinmang bahagi ng bansa.
Ang nasabing pahayag ay ginawa ng Pangulo para pabulaanan ang akusasyon sa kanya na ipapailalim niya ang Kamaynilaan sa ilalim ng emergency rule para patahimikin ang kanyang mga kritiko sa isyu ng jueteng.
Sa kabilang dako, inihayag kahapon ni Col. Proceso Maligalig, tagapagsalita ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabayan na nangangalap na ng mga lagda para sa people power initiative ang may 12,000 kasapi ng RAM na naglalayong madetermina kung dapat ng tapusin ang rehimen ni Estrada bunga na rin ng matinding krisis na kinakaharap ng bansa.
Samantala, ang grupo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na may 20,000 miyembro ay magsasagawa malawakang pagprotesta kung hindi magkakaroon ng tamang hustisya hinggil sa imbestigasyon ng "jueteng payola".
Ito ang tahasang sinabi kahapon ni VACC Chairman Dante Jimenez, makaraang magpahayag ito ng pagsuporta sa isinasagawang exposé ni Singson hinggil sa jueteng payola na kinasasangkutan ng Pangulo at ng iba pang matataas na opisyal.
Dahil sa isyu ng jueteng, kumalas na rin kahapon sa maka-administrasyong Partidong Lapian ng Masang Pilipino si Laguna Governor Joey Lina. (Ulat nina Lilia Tolentino, Malou Rongalerios, Joy Cantos at Grace Amargo)