^

Bansa

Robot gusto nang magbagong-buhay

- ni Rose Tamayo at Lilia Tolentino -
"Gusto ko nang magbagong-buhay!"

Ito ang mensaheng ipinaaabot ng lider ng isang paksyon ng Abu Sayyaf na si Ghalib Andang alyas Kumander Robot sa mga kinauukulan sa pamamagitan ni Wilde Almeda at 12 prayer warrior nito sa Jesus Miracle Crusade na nasagip ng militar mula sa kamay ng mga bandido sa Sulu kamakalawa.

Sinabi ng tagapagsalita ng JMC na si Alvin Florez sa isang hiwalay na panayam kahapon na nasambit umano sa kanila ni Andang ang pagnanais nitong magbagong-buhay habang tinatakasan ng Abu Sayyaf ang pambobomba at ibang uri ng pananalakay ng militar sa kampo ng mga bandido sa Mt. Daho, Patikul, Sulu.

Sinabi pa ni Florez na ayaw labanan ng grupo ni Andang ang militar kaya tumatakbo ang mga ito palayo sa umaatakeng mga sundalo.

"Ngayon, ang gusto niya (Andang) magbagong-buhay. Pati kasama niya. Nais niyang umuwi sa kanilang tahanan dahil meron siyang pamilya, ari-arian, asawa at mga anak," sabi ni Florez.

Idinagdag ni Florez na hindi bihag ang turing sa kanila ni Andang. "Mabait si Robot. Binigyan pa nga kami ng mga gamit tulad ng mga damit, kumot, at pati ang wheel chair para sa mahal naming evangelist Wilde Almeda."

Binanggit niya na isinama sila (JMC members) ni Andang sa pagtakas nito dahil ayaw nitong matamaan sila ng bala o bomba o mapahamak si Almeda.

Nagtungo ang grupo ni Almeda sa kampo ni Andang noong Hulyo para ipagdasal at ipag-ayuno ang orihinal nitong 21 bihag mula sa Sipadan, Malaysia pero tuluyan umano silang binihag ng mga bandido.

Naantig naman anya ang damdamin ni Andang sa nasaksihan nitong taos-puso at sinserong pananampalataya ng mga miyembro ng JMC.

Sinabi pa ni Florez na, bago sila nailigtas ng militar, binanggit ni Andang sa nakaratay na si Almeda ang mga katagang "Aleluyah! Brother Almeda. Malapit na kayong makalabas."
Walang patawad
Pero, sa panayam sa Malacañang, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Angelo Reyes na walang kapatawaran ang ginawa ng grupo ni Andang. Sinabi ni Reyes na hindi puwedeng mabigyan ng amnestiya si Andang dahil may pananagutang-legal ang kaso nito at dapat itong makasuhan alinsunod sa batas. Sinabi ni Reyes na hindi titigil ang militar sa pagsugpo sa Abu Sayyaf bagaman pangunahing layunin ng AFP na sagipin ang mga natitirang bihag. Kahapon din ng umaga, naka-stretcher si Almeda nang dumating siya at ang 12 niyang prayer warrior sa Malacañang at iharap sila ni Pangulong Joseph Estrada sa mga mamamahayag.

Sinabi ng Pangulo na ang pagkakasagip kay Almeda ay tanda na magtatagumpay ang opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf. Binigyang-halaga rin ng Pangulo ang kahalagahan ng panalangin na malaki ang nagawa para mailigtas ang mga bihag.

Mahinang-mahina at hindi gaanong makapagsalita si Almeda nang iharap sa mga mamamahayag. Itinalaga niya si Florez bilang tagapagsalita ng JMC.

Sinabi ni Florez na nakatulong nang malaki ang operasyon ng militar sa kanilang paglaya dahil natatakot ang mga bandido tuwing may putukan at sasabog na bomba. Sinabi naman ni Press Secretary Ricardo Puno Jr. na naging madamdamin ang unang pagtatagpo ng Pangulo at ni Almeda bago iniharap sa mga mamamahayag ang mga nailigtas na preacher ng JMC.

Kailangan pa anyang yumukod ang Pangulo para marinig ang sinasabi ni Almeda na nagpahayag ng pasasalamat sa una. Sinasabi ng mga nurse at doktor na matatag ang kundisyon ni Almeda bagaman mahina ito.

ABU SAYYAF

ALMEDA

ANDANG

FLOREZ

PANGULO

SINABI

WILDE ALMEDA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with