Hiyasmin (141)
NAPAYUPYOP sa balikat ni Dax si Hiyasmin. Pagod na pagod nga ito kaya siguro nakatulog. Unang araw kasi sa trabaho at nanibago.
Hinayaan ni Dax na nakayupyop sa balikat niya si Hiyasmin. Saka na lang niya ito gigisingin kapag nakarating na sila sa bahay. Hahayaan niya itong makapahinga. Kawawa naman. Iniayos pa niya ang ulo ni Hiyasmin sa pagkakayupyop sa balikat niya. Nasulyapan niya sa rearview mirror na napatingin ang taxi driver habang maingat niyang iniaayos ang ulo ni Hiyasmin. Binawi agad ng driver ang pagkakatingin sa kanila.
Habang naglalakbay sila, naiisip ni Dax na mabuti ngang lagi silang magsabay sa pagpasok at pag-uwi ni Hiyasmin. Mabuti nang may kasama ito para mapangalagaan. Paano kung sasakay ito sa taksi at makatulog? Baka pagnasaan ito ng driver lalo pa nga at napakaganda. Mapuprotektahan niya si Hiyasmin.
Kahit na araw-araw ay sunduin niya ito sa opisina. Malapit lang naman at kayang-kaya niyang lakarin. Basta lagi niya itong daraanan sa opisina.
Nang malapit na sila sa bahay, tinapik niya si Hiyasmin para gisingin. Nagmulat si Hiyasmin.
“Narito na tayo,’’ sabi ni Dax.
Inayos ni Hiyasmin ang sarili.
“Nakatulog ako?’’ tanong nito.
“Oo,’’ sagot ni Dax.
Pumasok ang taxi sa P. Noval St. Tinuro ni Dax kung saan ang bahay. Tumigil ang taxi.
Naunang bumaba si Hiyasmin. Binayaran ni Dax ang drayber.
“Kapatid mo Sir?” tanong ng drayber na ang tinutukoy ay si Hiyasmin.
“Asawa!’’ sagot niya at bumaba.
Pagpasok nila sa bahay, sinabihan ni Dax si Hiyasmin na magpahinga at siya ang magluluto ng kanilang hapunan.
“Gigisingin kita mamaya kapag kakain.’’
Pumasok na si Hiyasmin sa kuwarto.
Nang makaluto si Dax ng hapunan, kinatok niya si Hiyasmin sa kuwarto.
Pero katok siya nang katok ay ayaw magising. Tulog na tulog!
(Itutuloy)
- Latest