^

Punto Mo

Tres Queridas (46)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

BAGO pa man tulu­yang masiraan ng bait si Celeste sa paghahanap kay Lani, biglang duma­ting ang isang nurse na may dalang rechargeable lamp. Napuno ng liwanag ang silid.

“Kayo po ba ang mga kasama nung buntis na pasyente?” tanong ng nurse.

“Oo. Nasaan si Lani?!” sabay na sigaw nina Diana at Celeste.

“Huwag po ­kayong mag-alala, ligtas po siya,” sabi ng nurse. “Noong mawalan ng kuryente, dumating ang nanay niya.  Sinundo po siya at inuwi muna sa bahay nila para dun magpahinga habang walang kuryente sa ospital.”

Matapos malaman ang kalagayan ni Lani, nabunutan ng tinik sa dibdib sina Celeste at Diana.

Sa tulong ng nurse, nakuha nila ang eksaktong kinaroroonan ng bahay ng pamilya ni Lani. Agad silang bumalik sa sasakyan at inutusan si Jack na paandarin ito para puntahan si Lani sa liblib na bahagi ng bayan kung saan nakatayo ang kubo ng pamilya.

Mabagal ang patakbo ni Jack habang pumasok sila sa isang makitid na daang napapalibutan ng mga matataas na puno ng niyog. Paghinto ng sasakyan sa di-kalayuan, bumungad sa kanila ang isang simpleng bahay na gawa sa kawayan at sawali. May munting liwanag ng lampara na sumisilip sa pagitan ng mga patpat ng pader. Sinabihan ni Celeste si Jack na maghintay muna sa sasakyan habang dahan-dahan silang naglakad ni Diana patungo sa hagdanan. Ayaw nilang mabigla o magising ang buong bahay. Ngunit habang lumalapit si ­Diana sa gilid ng pader ng sala, natigilan siya. Narinig niya ang pamilyar at basag na boses ng isang babaing umiiyak—si Lani!

“Nay... paano kapag naipanganak ko na ‘to?” na­nginginig at pilit na itinatago ni Lani ang kanyang humahagulgol na boses.”Wala akong trabaho... wala akong ipon sa Maynila. Iniwan ako ni Carlo. Paano ko bubuhayin ang anak ko nang mag-isa? Natatakot ako para sa baby.”

Tahimik na napaatras si ­Diana. Lumi­ngon siya kay Celeste na naroon na rin sa kanyang tabi, parehong nakikinig sa pait ng boses ni Lani. Ilang sandali ang lumipas bago narinig ang mahinahong boses ng ina ni Lani, marahang hinahaplos ang likod ng anak.

“Huwag ka nang umiyak, anak... hindi ka pinabayaan ni Carlo,” sabi ng nanay.

Natigilan si ­Diana. Nanlaki ang kanyang mga mata habang nakatitig kay Celeste.

“Anong ibig mong sabihin, Nay?” tanong ni Lani sa pagitan ng mga hikbi.

“Bawat buwan, Lani... may perang pinadadala sa akin si ­Carlo,” pag-amin ng ina. (Itutuloy)

TRES QUERIDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with