EDITORYAL - Kailan magkakaroon ng sariling evacuation center?
NAGING isyu ang paggamit ng mga eskuwelahan bilang evacuation centers kapag may tumatamang kalamidad gaya ng bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan at iba pa. Nakiusap na noon pa ang Department of Education (DepEd) sa local goverement units (LGUs) na huwag gamitin ang mga school bilang evacuation centers sapagkat naaapektuhan ang pagpasok ng mga estudyante.
Sinususpende ang pasok dahil ginagamit ng evacuees ang schools. Kung gaano kahaba ang pagtigil ng evacuees sa school ay ganundin katagal na walang pasok. At walang ibang naperwisyo rito kundi ang pag-aaral ng mga bata. Dahil laging nasususpende, kaya marahil purol ang ulo ng ilang mga estudyante.
Ang pakiusap na huwag gawing evacuation center ang eskuwelahan ay hindi nagkaroon ng katuparan. Kailan nga ba kikilos ang LGUs para makapagpagawa ng sariling evacuation centers? Kailan pagpapahingahin ang mga eskuwelahan bilang evacuation center.
Nang magkasunog sa Road 10, Tondo, Maynila noong Sabado kung saan siyam na residential building ang natupok at naapektuhan ang maraming pamilya, ipinasya ni Manila Mayor Honey Lacuna na sa Gen. Vicente Lim Elementary School dalhin ang mga nasunugan. Inihayag ni Lacuna na suspendido ang klase sa nasabing school dahil ginagamit na evacution center. Sinabi pa ng mayor na magkakaroon ng make-up classes ang mga mag-aaral bilang kapalit ng araw na suspendido.
Nang bumaha noong Hulyo 24 sa Metro Manila at mga karatig probinsiya, ang mga eskuwelahan ang naging temporary shelter ng evacuees. Grabe ang baha kaya maraming residente ang dinala sa mga eskuwelahan. Isang linggong nanatili sa mga eskuwelahan ang evacuees. Nang magbukas ang klase noong Hulyo 29, maraming eskuwelahan ang ipinagpaliban ang pagbubukas ng klase dahil ginagamit na evacuation centers.
Tuwing may sunog, bagyo, lindol at pagputok ng bulkan, ang pampublikong eskuwelahan ang lagi nang hantungan ng mga biktima ng kalamidad. Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa. At sa kabila nito, walang desenteng evacuation centers para sa mga biktima.
Hindi maganda ang epekto sa paggamit ng mga eskuwelahan bilang evacuation centers. Apektado ang pag-aaral ng mga estudyante. Isa pang hindi maganda, nasisira ang mga school dahil sa kagagawan ng evacuees. Maraming nasasalaula at nasisira. Pagkatapos manirahan ang evacuees kailangang ipakumpuni at dagdag gastos sa gobyerno.
Hamon sa LGUs na magpagawa ng evacuation centers sa bawat barangay. Iprayoridad sana ito ng local government units upang hindi na magamit ang mga eskuwelahan kung may tatamang kalamidad.
- Latest