WALONG araw na lamang at bagong taon na. Magpuputukan na naman at mapupuno ng usok ang paligid. At matatambad na naman ang mga naputulan ng daliri at nabulag dahil sa paputok. Su-balit ang nakapanghihilakbot ay ang makitang may bumulagta dahil tinamaan ng ligaw na bala.
Taun-taon, sa pagdiriwang ng bagong taon ay may nabibiktima ng ligaw na bala. Isinasabay ang pagpapaputok ng baril sa kasagsagan ng pagpapa-putok ng Judas belt, sawa, higad, piccolo at bawang. Walang patumangga ang pagpapaputok ng mga “makakati ang daliri†at sa isang iglap mayroon na silang nautang na buhay.
Ang nakapanghihilakbot ay ang malaman na isa palang pulis o sundalo ang nagpaputok ng baril. Dahil sa kalasingan at pagpapasikat ng pulis o sundalo, mayroon silang napatay na inosenteng sibilyan. Mas nakaaawa kung bata ang kanilang tinamaan.
Kagaya ng nangyari kay Stephanie Nicole Ella, 7-anyos at Grade 1 pupil sa Tala Elementary School, Caloocan City na tinamaan ng bala sa ulo noong nakaraang taon. Ayon sa report, mula sa calibre 45 ang balang pumatay kay Nicole. Maaari umanong pulis o sundalo ang nakapatay kay Nicole at malapit lamang sa bata.
Nanonood ng fireworks sina Nicole at mga kapwa bata sa harap ng kanilang bahay nang bigla na lamang itong bumagsak at nakitang umaagos ang dugo sa ulo. Isinugod sa ospital si Nicole subalit namatay din ito ilang oras makaraan ang bagong taon. Ang masakit, hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ang nakabaril kay Nicole.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) sisimulan na nila ang paglalagay ng masking tape sa dulo ng baril ng mga pulis para hindi ito maiputok at maiiwasan na ang madugong insidente. Maganda ang ginagawa ng PNP sa paglalagay ng busal sa mga baril. Madaling makikilala kung sino ang nagpaputok. Kapag nangyari ito, mababawasan ang mga pagpatay lalo sa pagsapit ng bagong taon.