‘Kawatang nagpapanggap na tricycle driver’
TARGET ng kolum kong ito ang mga nakatira sa mga lugar na papasok o sa mga subdibisyon na hindi na abot ng mga namamasadang dyip.
Dala na rin ng ber months season, lalo pang nagiging agresibo ngayon ang mga masasamang-loob. Pinag-aaralan ang inyong personalidad at galaw para maikasa ang kanilang operasyon.
Nitong mga nakaraang araw, nabisto ng BITAG ang estilo ng mga kawatang nagpapanggap na tricycle driver sa Quezon City.
Sa tulong ng closed-circuit television camera sa lugar, mabilis na natukoy ang mga suspek. Tatlong kalalakihang armado ang nasa video. Hindi sana mahuhuli ng mga awtoridad ang mga kawatan, subalit ang CCTV camera sa lugar ang nanlaglag sa kanila.
Ang kanilang modus, paparada sa isang sulok ng kalsada. Aakalaing mga lehitimong bumibiyahe sa lugar dahil nakamasid sila sa bawat dumadaan at nag-aabang na magtatanong sa kanilang serbisyo.
Lingid sa kaalaman ng mga naglalakad, pinag-aaralan na pala sila at oportunidad na lang ang kanilang hinihintay. Ang nagpapanggap na drayber, mabilis pa sa alas-kwatro kung umatake.
Binubuo ng tatlong miyembro ang grupo. Sa video, kitang-kita kung paano ikinasa ng mga kawatan ang kanilang aktibidades.
Sa umpisa, makikita ang tricycle na pa-zigzag, zigzag at hindi mapakali na parang may hinihintay. Ilang minuto muna itong pumarada sa gilid ng kalsada. Ilang sandali pa, bigla itong humataw na animo’y may hinahabol.
Sa ’di kalayuan, sapol din sa CCTV ang dalawang lalaking tumatakbo papalapit sa tricycle para sumakay.
Maliwanag na nakita rin ang isang babaing humahabol at sumusunod sa mga lalaki at sa tricycle. Ang babae ay biktima ng panghoholdap. Ang mga suspek, ang dalawang sumakay sa tricycle at ang mismong tricycle driver.
Babala sa mga madalas umuuwi ng gabi sa kanilang mga bahay, kayo ang pinupuntirya ng mga kawatan.
Mag-ingat. Maging mapagmasid at listo sa lahat ng oras lalo na pagkagat ng dilim. Tandaan, walang pinipiling panahon ang mga masasamang-loob na tumatambay at nagkukubli sa mga eskinita at pasikot-sikot na bahagi ng lansangan.
Kung sakaling nabiktima kayo ng mga holdaper, huwag matataranta at tangkaing manlaban upang hindi mapag-initan.
- Latest
- Trending