MANILA, Philippines — Noong 2007 ay nagplano ang Philippine Basketball Association (PBA) na magpatayo ng sarili nitong coliseum na kanilang magiging permanenteng tahanan.
Ngunit hindi ito natuloy dahil sa usapin sa pondo.
Muli itong naisip ni PBA Board chairman Ricky Vargas ng TNT Tropang Giga noong 2017 na hindi na naman naisakatuparan.
Sa muling pagkakaluklok kay Vargas bilang PBA Board chairman ay nabuhay na naman ang pangarap ng liga.
“We’re not just re-modeling a house but we’re building a house,” wika ni Vargas sa kanilang planning session sa Swissotel Nankai sa Osaka, Japan.
Tumitingin na ang PBA ng lupa sa Metro Manila.
“We’re looking at properties in Metro Manila, about two to three hectares ang laki. Malapit na itong matuloy,” ani PBA Commissioner Willie Marcial.
Kasalukuyang naglalaro ang PBA sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City na kanilang itinuring na tahanan sapul nang maitatag ang liga noong 1975.
Bukod sa Big Dome ay naglalaro rin ang PBA sa Philsports Arena sa Pasig City, Mall of Asia Arena sa Pasay City at sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang pagpapareserba sa nasabing mga venues ang nagiging problema ng PBA dahil sa mga laro ng PVL, UAAP at NCAA bukod sa pagbagsak sa gate attendance.
Napilitang bumalik ang liga sa Rizal Memorial Coliseum at sa Ninoy Aquino Stadium sa Vito Cruz, Manila sa Season 48.
Idinaos din ang ilang semifinal games ng Season 48 PBA Philippine Cup sa Dasmariñas Arena sa Cavite at sa FPJ Arena sa San Jose, Batangas.