‘Balyena’ nahanap sa bank records ni VP Sara – Ridon

MANILA, Philippines — Balyena umano ang lumitaw sa bank at tax records ni Vice President Sara Duterte kaya hinaharang ng defense panel ang pagpapabukas nito sa Senate impeachment court sa katwirang isa lamang itong ‘fishing expidition’.
Sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na umabot sa P6.7 bilyon ang kabuuang pinansiyal na transaksiyon ng mag-asawang Duterte sa nakalipas na 20 taon, kabilang ang P4.4 bilyon na dumaloy umano sa bank accounts ni VP Duterte.
“Ang posisyon ng depensa ay this is a mere fishing expedition. Ang totoo ho, wala hong fishing expedition kung balyena ‘yung nahanap,” ani Ridon sa News Forum sa Quezon City.
Kasama sa nais mabuksan ng prosekusyon ang bank at tax records ni Atty. Manases Carpio, mister ni VP Sara. Giit ni Ridon, mahalaga ang pagbubukas ng mga rekord upang matukoy kung paano lumobo ang yaman ng mag-asawa na hindi maipaliwanag.
Dagdag pa niya, hindi barya-barya ang pinag-uusapan: “Malalaking pera po yung pinag-uusapan natin na hindi ho ma-imagine ng ating pong mga kababayan paano po ito nangyari.”
Sa Lunes, Hulyo 20, diringgin ng Senate impeachment court ang mosyon ng prosekusyon para i-subpoena ang bank records, tax records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC).
Tinutulan naman ng depensa ang hakbang na ito, iginiit na labag sa bank secrecy law at hindi saklaw ng impeachment. Ngunit binigyang-diin ni Ridon na kailangang ma-establisa ang “financial baseline” mula pa noong vice mayor si Duterte sa Davao City, hanggang sa pagiging mayor at ngayo’y vice president.
“Hindi ho tayo pwedeng magkaroon ng credible na pagtingin sa unexplained wealth kung kasalukuyang taon lang ang pagbabatayan,” ani Ridon, na siya ring Chairman ng House Committee on Public Accounts.
- Latest




















