Chameleons sinisiw ang Foxies

MANILA, Philippines — Winalis ng Nxled ang Farm Fresh, 25-17, 25-17, 25-18, sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa Pool B ng play-in tournament ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo sina Krich Macaslang at Chiara Permentilla ng tig-siyam na puntos at may walong marka si EJ Laure para sa kanilang ikalawang panalo ng Chameleons sa torneo sa kabuuang 14 laro kasama ang dalawa sa play-in.
“I think we just played very relax and we’re just leaning on each other. We wanna finish on a high note,” ani Fil-Canadian libero Rach Jorvina na nagdagdag ng 20 excellent digs.
“Our coach Ettore (Guidetti) was saying this isn’t the end of the conference but the start of the next one,” dagdag nito.
Hindi pinaglaro ng Foxies sina key players Jolina Dela Cruz, Trisha Tubu at Lorene Toring, ngunit nakahugot kay Pierre Abellana ng 10 points.
Inaasahang lalakas ang tsansa ng Nxled at Farm Fresh na makakuha ng mga bigating rookies sa pagpasok nila sa 2025 PVL Draft Lottery sa Hunyo.
Dinomina ng Chameleons ang first at second set bago pumalag ang Foxies sa likod ni veteran Rachel Anne Daquis at inagaw ang 11-10 bentahe sa third frame.
Ang hataw ni Laure kasunod ang dalawang service ace ni Macaslang ang nagbigay sa Nxled ng 22-15 bentahe bago umiskor ng ace si Maji Mangulabnan kay Daquis para kumpletuhin ang straight-set win sa Farm Fresh.
“Sa first experience ko ngayon (sa Nxled), parang kailangan naming mag-move on agad sa situation at huwag masyadong mag-dwell para maka-execute agad at makagalaw agad,” ani Laure.
- Latest