VP Sara, haharap sa impeachment

Trial dapat nang tapusin - prosec
MANILA, Philippines — Personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado sa Disyembre 4 matapos magsumite ng pormal na manifestation ang kanyang legal team na Fortun Narvasa & Salazar. Ayon sa kampo ng bise presidente, tatayong saksi si Duterte upang pabulaanan ang lahat ng alegasyon laban sa kanya.
Kinumpirma rin ni defense spokesperson Atty. Michael Poa ang kanyang pagharap sa impeachment court.
Samantala, tiniyak ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na igagalang si Duterte sa pagdalo nito ngunit ituturing na tulad ng ibang testigo.
Nakahanda rin ang Senate impeachment court na magpatupad ng lockdown sakaling tumestigo si VP Sara pero pagkatapos ay magta-tangkang mag-walk out.
Ayon kay Lacson, hindi ito ang unang pagkakataon na magpapatupad ng lockdown dahil nangyari na rin ito noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Sinabi ni Lacson na nagpatupad noon ng lockdown ang namayapa na at dating Senate President Juan Ponce Enrile nang mag-walk out si Corona.
Naayon aniya sa Constitution ang kapangyarihan ng impeachment court at hindi sila papayag na mabastos ito ng sinuman.
Kasabay nito, nanawagan si House prosecution legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na matapos na sa lalong madaling panahon ang impeachment trial.
Aniya, kapwa mga tagasuporta at kritiko ng bise presidente ay naghihintay na ng pinal na resolusyon sa kaso. Umaasa rin siyang makukumpleto ng depensa ang presentasyon ng ebidensiya sa susunod na linggo upang magkaroon ng posibilidad na makapaglabas ng hatol bago matapos ang taon. Dagdag ni Tolosa, karamihan sa mga senator-judges ay nais na ring matapos ang paglilitis.
Nang tanungin kung bakit paulit-ulit na humihiling ng postponement ang kampo ni Duterte, sinabi ni Tolosa na posibleng nahihirapan itong makakuha ng mga testigo, ngunit anuman ang dahilan ay dapat nang maresolba ang kaso.
- Latest


















