JRU, Beda amoy na Finals
MANILA, Philippines – Humirit ng extra period ang Jose Rizal University para yanigin ang Letran, 102-98, kagabi sa Game 1 ng best-of-three semifinals ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inakbayan ng panelyong tres ni Lawrence Mangubat ang Heavy Bombers upang biguin ang Knights na halos buong laro ay nakontrol ang laro.
Tumikada si Mangubat ng 21 points eight assist, anim na rebounds at tatlong steals para sa JRU na posibleng umabante na sa Finals kapag manalo sila sa Game 2.
Ipinaramdam ng Knights ang kanilang lakas sa kaagahan ng laban kaya naman nahawakan nila ang eight-point lead, 27-19 sa pagtapos ng first canto.
Hindi naman hinayaan ng Heavy Bombers na makalayo ang kanilang katunggali sa second period kaya tinapyasan nila sa lima ang hinahabol, 45-50 sa halftime.
Nagpatuloy ang mainit na bakbakan sa third period, kung saan ay dalawang puntos na lang ang lamang ng Knights, 69-67 papasok ng fourth quarter.
Pero naging matatag ang JRU sa payoff period kaya naka-puwersa sila ng overtime game.
Muling nakitaan ng determinasyon ang Heavy Bombers sa OT para masilo ang mahirap na panalo.
Samantala, umeskapo si Aldous Torculas sa mahigpit na pagbabantay sa kanya upang isalpak ang nagpanalong puntos at sikwatin ng San Beda University ang 85-83 panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa Game 1 ng kanilang semis series.
- Latest

















