Kagawad nagselos sa kainuman ni misis, bugbog-sarado!
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Sugatan ang isang 55-anyos na barangay kagawad matapos bugbugin ng lalaking naaktuhan niyang nakikipag-inuman sa kanyang misis sa Barangay Silangang Domoit, Tayabas City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng Tayabas City Police na ipinarating sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nagtungo ang biktima na kinilala lang sa pangalang “Kagawad Brandon” sa bahay ng kanyang biyenan dakong alas-6 ng gabi at inabutan niya roon ang kanyang asawa at ang tricycle driver na si Elton na nag-iinuman.
Agad umanong nag-init sa matinding selos ang kagawad kaya kinompronta niya si Elton na nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan ng dalawa.
Dahil sa mas malaking tao si Elton, tinalo nito ang biktima sa kanilang pagpapabuno na nagtamo ng mga pasa at pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan kaya agad siyang isinugod sa Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City upang malapatan ng lunas.
Ayon sa pulisya, selos ang ugat ng insidente at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang nasabing suspek na nahaharap sa kasong physical injuries.
- Latest


















