Ogie at Regine, bibida sa musical

Parang kailan lang ay binabash-bash si Atasha Muhlach nang napiling gumanap na Annie Batungbakal sa Bongga Ka ‘Day!: The Annie Batungbakal Musical na nag-final vow na siya last Saturday night.
At walang nasabi ang mga basher na ang dami kaagad hanash, hindi pa man siya napapanood that time.
At maling-mali ang mga panghuhusga nila, dahil ginalingan ng isa sa kambal nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez.
Lahat ng paghahanda ay ginawa niya bago ito nag-umpisang mapanood sa Newport World Resorts Performing Arts Theater (NWRPAT) last September.
Puno ang NWRPAT last Saturday para sa final show na pinanood ulit nina Aga at Charlene kasama ang kambal ni Atasha, si Andres, na ayaw pang sabihin ang kanyang susunod na project at proud na proud sa kanyang kakambal: “Ako. I’m just very proud for my sister talaga kasi nakita ko ‘yung pinagdaanan niya sa work and how she really gave her effort talaga to her performance and to do the job. So, I’m very proud of everything she’s done talaga and she’s really great honestly talaga, ‘di ba? Agree naman kayo na she’s really super good.”
Anyway, itinodo na nga ng cast ang saya ng palabas na parang nilalaro na lang nila kaya palakpakan ang mga nanood.
At pagkatapos ng massive success ng Bagets The Musical at BKD: The Annie Batungbakal Musical, sunod na mapapanood ang Kailangan Kita: An Ogie Alcasid Musical. Ito ay nakatakdang magbukas sa Mayo 2027.
Sa pakikipagtulungan pa rin sa PETA Plus, ang produksyon ay ididirek nina Ian Segarra at Johnnie Moran. Ang konsepto ay mula kina Ogie Alcasid at Regine Velasquez-Alcasid, habang ang book (script at kuwento) ay isinulat ni Eljay Castro Deldoc.
Kasabay ng anunsyo ay isang teaser na kinapapalooban ng medley ng mga kanta ni Ogie – ang Kailangan Kita, Hanggang Ngayon at Dito sa Puso Ko – na inawit nina Ethan David, Sheena Belarmino, Poppert Bernadas, Tep Logmao, Mark Gil, Rapah Manalo, Stephen Viñas, Yna Arbiol, Beng Turiano, Jannah Baniasia at Iya Villanueva.
Sinabi ni Ogie na kabilang sila ni Regine sa magiging bida sa nasabing musical play. “Yes. It has been revealed,” umpisa ni Ogie pagkatapos ipalabas ang nasabing teaser nila ni Regine.
Dagdag pa niya: “Next year na po. Nais ko po kayong imbitahan sa aking birthday party,” biro nito.
“Sa aking munting palabas na aking sinulat. Tatlumpu’t walong taon na po, lahat ng mga awiting sinulat ko at inawit ko ay gagawin po namin dito sa bulwagang ito.
“Ahhh excited po akong ipaalam sa inyo na ako po ‘yung gaganap. Totoo po! At ang gaganap po na aking kabiyak ay walang iba kundi ang asawa ko na si Regine Velasquez-Alcasid.
“So, excited na po kami. Ito po’y pitong taon naming pinag-ukulan at pinag-isipan kung papa’no po namin pinag-isipan kung papano po naming ipalabas ito. Kaya excited na po kami. Sana excited din po kayo. At nakakatuwa dahil ang title ng aming musical ay Kailangan Kita, at narito ang unang gumanap sa pelikula na walang iba kundi ang kamukha ko na si Ginoong Aga Muhlach.
“Palakpakan po natin! I hope you’ll come next year. May 2027 until about July. Hope to see you,” dagdag niyang pahayag.
Ang Kailangan Kita ay umiikot sa kuwento ni Roger Kundirana, isang dating sikat na singer at composer na tinalikuran na ang musika.
Nais din sana niyang talikuran ng kanyang nag-iisang anak na si Himig ang musika. Para kay Roger, ang buhay sa musika ay nangangahulugan lang ng kawalan ng pera, kawalan ng kinabukasan, at pamilyang maiiwang nagdurusa.
Pero nang makilala niya si Arlene, ang music teacher ni Himig, may isang bagay na matagal nang nakabaon sa kalooban ni Roger ang muling umawit. Naging inspirasyon niya si Arlene, na muling nagbukas ng pinto para sa paglikha at pangangarap.
Sa kabila nito, namumuhay sila sa gitna ng takot dulot ng The Big One —ang napakalakas na lindol na matagal nang binabalaang maaaring tumama sa lungsod anumang oras. Habang sinisikap ni Roger na buuin muli ang buhay na akala niya ay naiwan na niya sa nakaraan, may isa pang parating na nagbabantang yumanig sa marupok na pundasyon nila ni Himig. Napilitan silang harapin ang mga bagay na matagal nilang sinubukang protektahan, pati na rin ang mga bagay na maaaring kailangan na nilang pakawalan.
Ang Kailangan Kita: An Ogie Alcasid Musical ay isang produksyon ng Newport World Resorts, sa pakikipagtulungan sa ATeam PH, VIVA Communications at The Philippine STAR.
- Latest




















