Ang New Maleta Story: Gracioso cut
May bagong season ang Maleta Story. Ngayon naman, ang sangkot ay si Vice President Sara Duterte at si dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa affidavit at panayam ni dating police corporal Rodulfo Gracioso Jr., iginiit niyang naghatid siya ng bilyun-bilyong pisong pera kina Sara, Rodrigo, at Paolo Duterte, sa utos umano ni Velasco.
Ayon din kay Gracioso, bumili si Velasco ng anim na bahay sa Valle Verde na nagsilbing “cash houses,” o imbakan ng pera. Anim! Wow! Ganoon daw karami ang perang iniimbak.
Seryoso ang mga alegasyon. Kaya naman nag-iimbestiga na ang NBI. Mariin namang itinatanggi ito ni Velasco. Pero konpirmadong lumipad naman pa-ibang bansa si Lord.
Hirit ng marami, kaya siguro eksperto ang kampo nina Sara sa pagpapakalat ng naunang maleta story, sila raw pala ang nasa sentro ng kontrobersiya.
Ano nga ulit ang unang maleta story? Matatandaan natin na may naunang kuwento ng male-maletang pera mula sa mga dating bodyguard ni ex-congressman Zaldy Co, na tinawag na “maleta boys.” Sa kuwentong ito naman, ang dinadawit ay si dating House Speaker Martin Romualdez, na ngayon ay nakapiit, at si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang problema, paiba-iba ang kuwento ng “maleta boys” at mga sinasangkot. Nagbabago ang listahan ng mga akusado base sa majority-minority dynamic sa Senado. Ilan pa sa mga nag-aakusa ay binawi ang kanilang mga kuwento. Kaya ayun, nawalan ng integridad.
At dito nagiging mahalaga ang pagkakaiba. Parehong kuwento ng pera at maleta, ngunit magkaibang kampo ang tinatamaan. Dalawang maleta story. Dalawang dating House Speaker. At sangkot ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Aling kuwento ang paniniwalaan ng taumbayan?
Hindi puwedeng ang pamantayan ng katotohanan at pananagutan ay kung sino ang tinatamaan. Kapag kalaban, “expose.” Kapag kaalyado, “fake news.”
Kailangan maging mapagmatyag. Sundan ang direksiyon ng ebidensiya. Sundan ang daloy ng pera.
Maging mapagmatyag. Dahil sa isyung ito, hindi lang maleta ang kailangang buksan, kundi ang ating mga mata at isipan.
- Latest




















