Body-worn camera minamadali ng BI
Sa nabuking na human trafficking
MANILA, Philippines — Minamadali ng Bureau of Immigration (BI) ang paglalagay ng mga body-worn camera na may kakayahang mag-record ng boses para sa lahat ng opisyal na naka-assign sa mga paliparan bilang bahagi ng mga hakbang para palakasin ang pananagutan, transparency at pagbabantay sa immigration operations.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na target nilang mabigyan ng mga kagamitang ito ang kanilang mga opisyal sa paliparan bago matapos ang Oktubre.
Dagdag pa niya,hindi lamang pagdokumento ng transaksyon, kungdi magpapalakas pa ng accountability, transparency, pagbabantay at mapipigilan ang pagtatangkang umabuso sa posisyon ng immigration officer.
Kasunod ito sa insidente ng pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang immigration officer na kasabwat umano ng sindikato ng human trafficking na may modus na “kindatan” sa pasaherong papaalis sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Parañaque City noong Setyembre 12.
Kinansela na rin ang serbisyo ng isang job order employee at inalis sa kanilang puwesto sa paliparan ang dalawang immigration officer.
- Latest


















