Hotline Dial 136 ng MMDA, mabilis aaksyon -Torre
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang lahat ng motorista na kung nais na mapabilis ang pagsaklolo ng mga tauhan ng MMDA o may reklamo ay i-dial lang ang kanilang hotline na 136.
Ang Dial 136 ay ang 24/7 emergency at complaint hotline ng MMDA para sa mga motorista at pasahero na pinangangasiwaan ni Torre III, na nag-aambag ng mabilis na aksyon sa mga insidente sa lansangan na hindi lalagpas sa limang ring ay may sasagot agad.
Matapos makuha ang detalye ng problema, may MMDA na reresponde agad sa loob din ng 5 minuto.
“Mababawasan, kundi man mawawala, ang madalas na matagal na paghihintay ng imbestigador o ng sinumang traffic enforcer para siyasatin at aksiyunan agad ang problema,” ayon kay Torre. Ayon pa kay Torre na matagal nang programa ng MMDA ang Dial 136 ngunit kakaunti pa lang ang nakakaalam kaya’t hiling nito sa mga motorista, at sa publiko na ipaalam sa kanilang mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan tungkol sa 136 para sa mabilis na pagtugon ng ahensiya sa mga problema sa kalsada sa Metro Manila.
- Latest















