Mag-aama pinagbabaril sa dyip, sugatan

MANILA, Philippines — Pinagbabaril at malubhang nasugatan ang isang ama at dalawa pa niyang menor-de-edad nang pagbabarilin sa loob ng pampasaherong jeep ng dalawang armadong suspek Biyernes ng hapon sa Malabon City.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital si alyas “Mark” na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita gayundin ang tatlong taong gulang niyang anak na lalaki na tinamaan sa kaliwang hita at 10-buwang sanggol na lalaki na nahagip din ng bala sa kanang paa.
Batay sa report na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, alas-4:40 ng hapon nang sumakay ang mag-aama sa pampublikong jeepney sa Hulong Duhat at habang binabagtas ang kahabaan ng C. Arellano St. hinarang sila ng kulay maroon na Toyota Vios na walang plate number.
Dalawa sa mga sakay ng kotse ang bumaba at pinagbabaril ang mga biktima.
Nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, puting cap at face mask ang isa habang berdeng t-shirt, jersey na short at face mask naman ang isa pa.
Nagsasagawa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang pulisya upang makilala at matunton ang mga suspek gayundin ang motibo sa pamamaril.
- Latest





















