‘One sided’ na trial
SA gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, muling umingay ang pangalan ni Senador Robin Padilla matapos niyang sabihin na “Sana hindi one-sided ang ating prosecution.” Sa kanyang Facebook post, nilinaw pa niya: “Ang tungkulin ng prosecution ay hindi para manalo, kundi para sa katotohanan at proteksyon ng inosente.”
Maganda pakinggan ang panawagan para sa “fairness.” Pero sa mismong proseso ng hustisya, malinaw ang papel ng bawat isa. Ang prosekusyon ang nagsusulong ng kaso kaya talagang “one-sided”. Ang kanilang mandato ay ipakita kung bakit dapat managot ang akusado. Ang depensa naman ay natural na kampi sa respondent. Ang Senado, bilang impeachment court, ang siyang dapat manatiling neutral o patas at hahatol batay sa ebidensiya. Kaya’t nang igiit ng House prosecutors na hindi dapat asahan ang kanilang neutrality, tama ang puntong ito. Kung sila’y magiging neutral, mawawala ang saysay ng paglilitis.
Ngunit dito pumapasok ang mas malaking usapin. Marami ang nakakapuna na ilang senator-judges na sa halip na manatiling neutral, ang kanilang asal ay tila nagiging parang “defense lawyer” na aktibong pumapabor sa depensa. Ito ang nagbubukas ng pangamba na baka mabahiran ng politika ang proseso ng impeachment trial. Ito ang mas nakababahala kaysa sa pagiging “bias” ng prosekusyon. Sapagkat kung mismong hukom ay pumapabor, nawawala ang tiwala ng publiko sa integridad ng Senado.
Ang impeachment trial ay hindi lamang laban kay VP Sara kundi pagsubok sa ating mga institusyon. Ang prosekusyon ay dapat maglatag ng kaso, ang depensa ay dapat magtanggol, at ang Senado ay dapat maghusga nang walang kinikilingan. Kapag ang linya ng tungkulin ay nilabo ng politika, talo ang sambayanan.
- Latest




















