Nag-file ng immediate resignation
Dear Attorney,
Nag-file po ako ng immediate resignation dahil sa pang-iinsulto sa akin ng aking boss. Sa kabila po nito ay pinipilit pa rin ako mag-render kahit may sapat naman akong dahilan para mag immediate resignation. Ngayon po iniipit pa rin ang final pay ko dahil hindi raw ako nag-render. Noong January pa ako nagresign at wala pa ring final pay at pinaiikot lang po ako. —Kaye
Dear Kaye,
Maaring masabi na constructive dismissal ang nangyari sa iyo. Ayon sa Gan v. Galderma Philippines Inc. et al. [701 Phil. 612 (2013)] may constructive dismissal kung napilitang magbitiw ang empleyado dahil sa malinaw na kalupitan ng employer, o dahil sa hindi kaaya-ayang kondisyon sa trabaho na dulot din ng employer.
Iyon nga lang, dapat ay may malinaw na ebidensya ang empleyado na siya ay napilitan lamang na magbitiw sa trabaho. Sa kaso ng Panasonic v. Peckson (G.R. No. 206316, March 20, 2019), pinanigan ng Korte Suprema ang employer matapos itong ireklamo ng dati nitong empleyado ng constructive dismissal.
Ayon sa Korte Suprema, hindi kakikitaan ng muhi o galit ang mga resignation letters ng empleyado. Ang mga kilos niya rin matapos niyang mag-resign, katulad ng pagbibigay niya ng iba’t ibang dahilan sa kanyang pagbibitiw nang siya ay tanungin sa kanyang exit interview, ay nagpapakita na hindi talaga siya napilitang umalis sa trabaho.
Kaya kung magsasampa ng reklamo para sa constructive dismissal, siguraduhin na may sapat na pruweba para mapatunayan na napilitan lamang ang empleyado mag-resign dahil sa mga aksyon ng employer. Pinakainam kung may ebidensiya kang nagpapakita ng pang-iinsulto ss iyo para malinaw na hindi boluntaryo ang ginawa mong pagbibitiw.
Tungkol naman sa final pay, kailangan ay naibigay na ito sa iyo sa loob ng tatlumpung (30) araw matapos ang iyong pagkawalay sa trabaho. Maaring basehan ng hiwalay na reklamo laban sa iyong employer ang hindi pagbibigay sa iyo ang iyong final pay.
- Latest