Nagpakasal sa iba
Dear Dr. Love,
Isang bagay ang nagawa ko na pinagsisisihan ko ng malala. Ang matinding pag-aaway namin ng aking boyfriend ang nagtulak sa akin para gawin ‘yun. Galit na galit ako noong mga panahon ‘yun. Dahil hindi ko matanggap na nabalewala ang effort ko. At parang wala lang ang lahat sa kanya.
Nagkasagutan kami at lumabas ang mga sumbat. Kung ilalarawan ang wirdong pakiramdam na ‘yun, para akong mababaliw sa magkahalong inis at galit, Dr. Love.
Kaya umisip ako ng paraan para pasakitan ng matindi ang boyfriend ko. Sinagot ko ang matagal nang nangungulit sa’kin na magpa-kasal, at ikinasal nga kami sa lalong madaling panahon.
Lumipas ang mga buwan, humupa ang inis at galit, ngayon parang sinakluban ng langit at lupa ang aking pakiramdam. Dahil hindi ko mahal ang lalaking pinakasalan ko at sobra ang pagsisisi ko sa ginawa kong pagpapakasal sa kanya.
Sa totoo lang po ay nandidiri ako kapag kami ay nagse-sex. Kaya madalas ay nagdadahilan na lang ako na masakit ang aking ulo. Dahil sa kakatanggi ko ay natuto siyang mambabae. Hindi naman ako apektado dahil hindi ko siya mahal.
Gusto ko po ma-annul ang kasal ko. Pagpayuhan po ninyo ako.
Riza
Dear Riza,
Kung wala namang pagmamahalan sa pagitan ninyong mag-asawa, mag-usap na lang kayo para ipa-annul ang inyong kasal. Sa palagay ko, pwedeng maging ground ang marital infidelity para sa annulment. Pero mas mabibigyang katiyakan iyan ng isang abogado.
Maaaring ang mister mo ang mag-initiate dahil matibay na dahilan ang pagtanggi mo na makipagtalik sa kanya.
Dr. Love
- Latest